Base sa sunod-sunod na mga reklamong natanggap ni Sen. Idol Raffy Tulfo patungkol sa mga bilyon-bilyong pisong halaga ng fees na nakokolekta nang dahil sa LTO requirements ngunit napupunta lamang sa abo, nagsagawa siya ng ocular visit ngayong araw, April 13, 2023, sa nasabing ahensya. Ang ginawa niyang pagbisita sa LTO ay upang kumpirmahin ang mga nasabing sumbong at upang kumuha na rin ng mga research material na magagamit niya sa pagbuo ng panukalang batas para masolusyunan ang samu’t-saring problema na bumabalot ngayon sa LTO. Isang halimbawa na lamang dito ay ang nakokolektang P500 para sa vision test ng bawat new driver’s license applicants at sa mga magrerenew. Nakakalungkot malaman na ang bilyones na nakokolekta rito ay napupunta lamang sa mga outsourced vision testing centers, na karamihan ay mga fly-by-night, na nakapalibot sa labas ng mga tanggapan ng LTO. Pwede naman na ang LTO na mismo ang gumawa nito para ang mga mga bilyong pisong nakokolekta rito ay mapupunta na sa kaban ng bayan at magagamit para sa mga magagandang proyekto tulad na lang halimbaw ng palibreng cataract surgery at eyeglasses sa mga mahihirap nating mamamayan, at para na rin sa research and treatment on vision and blindness, kaysa naman napupunta lamang sa mga hao siao outsourced eye exam clinics na ang ilan ay raket ng ibang mga empleyado ng LTO. Bilyones din ang perang kinikita ng mga outsourced emission testing centers mula sa mga sasakyang taon-taon nagpaparehistro at nirerequire ng LTO na kumuha ng compliance certificate mula sa mga ito, na ang singil sa bawat sasakyan ay P500 pataas. Pwede namang ang LTO na mismo ang gumawa na nito upang ang perang makokolekta ay mapunta sa kaban ng bayan at magamit sa mga makabuluhang proyektong tulad ng treatment para sa lung cancer at iba pang uri ng cancer. Isa pang kabulastugang pinaiimbestigahan ni Sen. Tulfo ay ang katiwalian sa requirement ng pagkuha ng Compulsory Third Party Liability insurance para sa mga sasakyan na inirerehistro. Hindi mo mairerehistro ang iyong sasakyan kahit meron ka ng nabili na comprehensive insurance coverage para rito kung di ka bibili ng CTPL. Ang masakit, kapag dumating ang araw na kailangan mong mag file ng claim sa CTPL coverage na binili mo, pahirapan at kung minsan ay wala ka talagang maaasahan. Ito ay dahil ang mga nagtitinda ng CTPL na naglipana malapit sa mga tanggapan ng LTO ay mga palsipikado at ang iba sa kanila ay kasosyo ng mga tiwaling kawani ng LTO. At ang isa pang bubusisihin ni Sen. Tulfo ay ang bilyung-bilyung pisong nakokolekta mismo ng LTO kada taon para sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) na binabayaran ng mga nagpaparehistro ng kanilang mga sasakyan. Ang pondong ito ay dating pinangangasiwaan ng Road Board ngunit natadtad ng kontrobersiya dahil sa kaliwa’t kanang korapsyon na naging dahilan sa pagkabuwag sa Road Board. Pero ang malaking tanong, saan ngayon napupunta ang dambuhalang pondo ng MVUC kada taon at paano ito ginagastos? Sa pagbabalik ng regular session sa Senado, magpa-file ng bill si Sen. Tulfo para masolusyunan ang talamak na mga problemang ito na nagaganap sa LTO. #lto #tulfo #senateofthephilippines #tulfoinaction